Inihayag ng Philippine Statistics Office (PSO) na tumaas ang employment rate sa bansa sa 96 porisyento nitong Abril 2024 kumpara sa 95.9 porsiyento noong Abril ng nakaraang taon.
Inihayag ni National Statistician Undersecretary Claire Dennis Mapa ang mga datos na nakuha sa 44,890 na sample households sa Pilipinas ang tungkol sa resulta ng labor force survey na isinagawa nitong Abril 8 hanggang 20, 2024.
Aniya, mayroong 64.1 porsiyento na labor participation rate o naghahanap ng trabaho noong Abril 2024 at 48.36 porsiyento ang may trabaho o negosyo ang mga ito.
Sa 64.1 porsiyentong labor participation rate na ito ay mayroon namang 96 porsiyentong employment rate o may trabaho kumpara noong Abril 2023 at maging sa Enero 2024 na parehong may 95.9 porsiyento.
Bumaba naman ang unemployment rate o mga walang trabaho nitong Abril 2024 sa apat na porsiyento kumpara noong Abril 2023 kung saan nasa 4.5 porsiyento ito.
Pinakamataas ang employment rate sa Region 9 (Zamboanga Peninsula) na may 97.7 porsiyento habang ang pinakamababa ay sa Region 5 (Bicol region) na may 94.6 porsiyento na datos, nitong Abril 2024.
Kumpara noong Enero 2024, 10 rehiyon ang nakapagtala ng pagtaas sa employment rate nitong Abril: National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Caraga Region.
Ulat ni Benedict Avenido