Tumaas ng anim na puntos ang net satisfaction rating ni Vice President Sara Duterte, batay sa November 2025 survey ng Social Weather Stations (SWS).
Naitala sa resulta ng November 2025 survey ng SWS, na isinagawa noong Nobyembre 24 hanggang 30 noong nakaraang taon, na nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng +28 net satisfaction rating kung saan pinakamataas ito sa Mindanao na excellent +70.
Ito ay nangangahulugang tumaas ng anim na puntos ang satisfaction rating kay VP Sara mula sa moderate +22 rating niya noong Setyembre 2025.
Sumunod sa Mindanao ay ang Visayas na may naitalang +41 satisfaction rating sa Bise Presidente, +9 sa Balance Luzon, at net zero naman sa Metro Manila.
Tumaas din ang satisfaction rating sa kanya sa mga urban areas, sa parehong kababaihan at kalalakihan, pati sa mga 18-24 taong gulang at edad 45-54.
Sinabi rin ng Social Weather Stations (SWS) na batay sa naturang survey, 54 porsyento naman ang satisfied sa performance ni VP Sara habang 26 porsyento ang dissatisfied sa kanyang performance.
Ulat ni Jilliane Libunao
