Magpapatupad na ng dagdag singil sa toll fee ang North Luzon Expressway (NLEX) simula Hunyo 4, 2024, matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang ikalawang bagsak ng toll adjustment para sa motorista na daraan sa pasilidad.
Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang mga motoristang bibiyahe sa loob ng open system ay magbabayad ng kardagang P5 para sa Class 1 vehicles (regular cars at SUVs), P14 para sa Class 2 vehicles (small trucks at bus), at P17 para sa Class 3 vehicles.
Ang open system ay ipinatutupad mula Balintawak, Caloocan City hanggang Marilao, Bulacan habang ang closed system ay mula sa lugar sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga kasama ang Subic-Tipo.
Samantala, ang mga motoristang bumibiyahe sa dulo’t dulo ng NLEX sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City (Pampanga) ay magbabayad ng karagdagang P27 sa Class 1 vehicles, P68 sa Class 2 vehicles, at P81 sa Class 3 vehicles.