Iniharap ni DILG Secretary Benhur Abalos ngayong Miyerkules, Mayo 29 sa media ang isang negosyante na sinasabing ‘gunman’ sa pagpatay ng driver ng isang multi-purpose van na umano’y kanyang nakagitgitan sa EDSA-Ayala Tunnel nitong Martes.
Sa pamamagitan ng video conference, iprinisinta ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang suspek, nakilalang si Gerrard Raymond Yu, na nakatalukbong pa sa jacket matapos itong damputin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Riverside Pasig City kaninang alas-7 ng umaga.
Ito ay matapos matukoy ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakilanlan ng may-ari ng itim na Mercedes Benz na minamaneho ng suspek nang maganap ang pamamaril sa biktimang si Aniceto Mateo, isang family driver. Ang owner ng sasakyan ay nakatira sa Las Pinas City, ayon pa sa pulisya.
Ayon pa kay Abalos, bukod sa tumugma ang itsura ng suspek sa CCTV footages, positibo ring itong itinuro ng mga saksi bilang gunman sa insidente.
Sinabi ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartates Jr., nag-match din ang basyo ng caliber 40 pistol na nabawi sa crime scene sa isinagawang ballistic test sa baril ng suspek. Bukod dito, nagpositibo rin sa paraffin test ang suspek.
Bukas sasampahan ng criminal complaint ng pulisya sa Prosecutors Office ang suspek, ayon kay Abalos.
Ito ay matapos matukoy ng pulisya ang registered owner ng isang itim na Mercedes Benz sedan na ginamit sa pamamaril.
Ayon sa Southern Police District Deputy District Director Col. Jessie Tamayao, nakipag-ugnayan na ang pulisya sa ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Office (LTO) para matukoy ang pagkakilanlan ng owner ng luxury car at kung sino ang
nagmamaneho nito nang maganap ang shooting incident.
Nakaligtas naman ang dalawang pasahero ni Mateo, kabilang ang isang 7-anyos na bata, sa pamamaril ni Yu.