Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasailalim sa anim na buwang preventive suspension kay Bohol Gov. Erico Aristotle Aumentado at 68 iba pang opisyal ng lalawigan bunsod ng kontrobersiya sa pagtatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills na isang heritage site.
Sinabi ng anti-graft office na ang Captain’s Peak Garden and Resort sa Barangay Canmano sa bayan ng Sagbayan ay pinayagang mag-operate kahit walang kinakailangang Environmental Impact Assessment, Environmental Compliance Certificate (ECC) at Special Use Agreement in Protected Areas (SAPA) mula sa Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sinabi ng Ombudsman na ang resort ay nabigyan ng mayor, business, building at locational permit para sa mga taong 2020 hanggang 2024 bagamat hindi ito nakakuha ng clearance mula sa DENR.
Ang mga respondent ay posibleng maharap sa mga kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial dahil sa posibleng paglabag sa environmental law.