Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Davao City Police Station na si Col. Richard Bad-ang, kasama ang 34 na iba pang tauhan nito dahil sa umano’y pagpatay sa pitong pinaghihinalaang drug personalities sa ikinasawang ‘drug war’ sa lunsod noong Marso 23 hanggang 26.
Ayon sa report, ipinagutos ni Brig. Gen. Aligre Martinez, hepe ng Police Regional Office 11 ang pagsibak sa 11 District City Police Station commanders, at 23 non-commissioned officers na naging epektibo nitong Mayo 22.
Sinabi ni Martinez na kasalukuyang nasa ‘floating status’ sa Regional Personnel Holding and Accounting Section (RPHAS) si Bad-ang at 34 pang tauhan nito habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanilang pagkakasangkot diumano sa pagpatay sa pitong pinaghihinalaang drug pushers.
Ayon sa mga ulat, napatay ang pitong drug personalities matapos diumanong maglaban kasunod ng utos ni Davao City Mayor Sebastian “Baste’ Duterte na muling paigtingin ang ‘drug war’ sa kanilang siyudad.
Samantala, kinondena ni Mayor Baste ang pagkakasibak kay Bad-ang at mga tauhan nito na diumano’y “pang-aabuso sa kapangyarihan” mula sa kanilang mga nakatataas na opisyal.