Tiniyak ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr. na handa ang Kamara na maghatid ng tulong sa mga mangingisda ng Zambales at Pangasinan na malubhang naapektuhan sa tila walang tigil na panghihimasok ng mga Chinese vessels sa karagatan sa kanilang lugar.
“Sa utos po ni Speaker (Martin Romualdez), nandito po kami kahit kami ay nasa-recess ngayon para pakinggan kayo. Huwag po kayong mag-alala, makakarating po kay Speaker ang mga hinaing at concern ninyo,” sabi ni Gonzales.
Bilang kinatawan ni House Speaker Martin Romualdez, pinangunahan ni Gonzales at Iloilo Rep. Raul Tupas ang House contingent sa pakikipagpulong sa mga mangingisda na halos nawalan ng kabuhayan dahil sa pambu-bully na kanilang inabot mula sa China Coast Guard sa Bajo de Masinloc simula pa noong 2012.
Bukod sa nawalang nang kabuhayan, nangangamba rin ang mga mangingisda sa lugar sa banta na binatawan ng China na huhulihin nito ang sino mang manghihimasok sa Bajo de Masinloc at karatig lugar nito simula Hunyo 15.
Sa kabila nito, tiniyak ni Gonzales na makararating kay Romualdez at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hinaing ng mga mangingisda.