Sisimulan ngayong buwan ang serye ng public consultations tungkol sa susunod na dagdag sahod para sa mga empleyado na nakabase sa National Capital Region (NCR), ayon sa DOLE.
Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magsisimula nitong Huwebes, Mayo 23 ang mga konsultasyon sa labor sector para sa panibagong wage increase habang sa Hunyo 4 isasagawa ang diyalogo sa mga employers.
Samantala, ang public hearing sa wage hike ay posibleng isagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Hunyo 20, ayon pa sa DOLE.
Ang mabilis at maayos na pagdaraos ng mga konsultasyon para sa panibagong wage increase ay base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat isagawa sa loob ng 60- araw bago ang isang taong anibersaryo ng pinakahuling wage order ng RTWPB na naging epektibo noong Hulyo 16, 2023.
Matatandaan na itinakda ang RTWPB ang minimum wage sa P610 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, habang P573 naman para sa mga nasa sektor ng agrikultura at service/retail establishment na may 15 empleyado at pababa.
Gayundin ang mga nasa manufacturing sector na may hindi hihigit sa 10 trabahador.