Pansamantalang itinigil ng Philippine National Police (PNP) ang online services sa mga tanggapan nito bunsod ng nangyaring ‘data breach’ sa Firearms and Explosives Office (FEO) at Logistics Data Management Office (LDMO).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, ang shutdown ay mananatili hanggang hindi nasisiguro ang seguridad ng computer data ng PNP.
Bukod sa FEO at LDMO, naapektuhan din ng data breach ang National Police Clearance System at ilan pang tanggapan ng Pambansang Pulisya na nakabase sa Camp Crame, Quezon City.
Tiniyak naman ni Fajardo na tuloy pa rin ang serbisyo sa mga PNP regional office at mga tanggapan sa Camp Crame habang isinasagawa ang assessment sa nangyaring data breach at pagpapatupad ng cyber security upgrade.
Naniniwala rin ang opisyal na maibabalik ang online services sa loob ng isang linggo.