Lumagda sa isang data sharing agreement ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd) para mas madaling matukoy ang mga estudyante at graduates ng Senior High School Technical-Vocational-Livelihood (SHS-TVL) track.

Ayon sa TESDA, mahalaga ang kasunduang ito para mapangalagaan ang privacy ng mga estudyante habang pinabibilis ang serbisyo ng ahensya kasama ang DepEd.

Sa bisa ng kasunduan, gagawing mas ligtas ang datos para maiwasan ang anumang pandaraya, alinsunod sa Data Privacy Act na nagsisiguro sa seguridad at transparency ng mga datos.

May nakatalaga nang data protection officers ang dalawang ahensya at nagpatupad na rin ng mahigpit na mga seguridad tulad ng encryption, multi-factor authentication, at breach notification protocol.

Kailangan ang datos ng isang mag-aaral para mapatunayang siya ay nagtapos sa Senior High School Technical-Vocational-Livelihood (SHS-TVL) bago maibigay ang schedule para sa assessment.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome