Sa mismong ika-13 anibersaryo ng pagkamatay ni Chit Estella, hinatulan nitong Lunes, Mayo 13, ng Quezon City court na makulong ang dalawang driver ng bus na may sala sa aksidenteng kumitil sa buhay ng journalist-educator noong Mayo 13, 2011.
Ayon kay Judge Ralph Lee, ng Quezon City Regional Trial Court Branch 83, guilty sina Daniel Espinosa at Victor Ancheta sa reckless imprudence resulting in damage to property at homicide.
Hinatulan silang makulong ng dalawang taon at apat na buwan habang ang mga kumpanyang may-ari ng mga bus ay pinagbabayad ng kabuuang mahigit P7.6 milyon sa mga kamag-anak ni Estella, kasama na ang moral at exemplary damages.
Matatandaang papunta sa reunion si Estella sakay ng taxi at binabaybay ang Commonwealth Avenue nang masalpok ng pampasaherong bus ang taxi, na nagkayupi-yupi.
Tumakas ang bus, na nang mga oras na iyon ay nakikipagkarera sa isa pang pampasaherong bus sa pag-pick up ng mga pasahero.
Si Estella ay naging mamamahayag ng Ang Pahayagang Malaya, Philippine Daily Inquirer, at The Manila Times, at naging editor-in-chief ng Pinoy Times bago naging trustee at editor ng VERA Files.
Naglingkod din si Estella bilang journalism professor sa University of the Philippines College of Mass Communication.
Ulat ni April Steven Nueva España