Dalawang pasahero ang nasugatan matapos na bumagsak sa dagat sa La Union ang sinasakyang Cessna 172 aircraft nitong Martes, Mayo 21, ng umaga.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Batay sa inisyal na ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang insidente ay naganap dakong 9:00 ng umaga sa dalampasigan ng Barangay Canaoay, San Fernando, La Union.
Napag-alaman na ang 4-seater Cessna plane na may body number na RP-C6923 ay nag-take off mula sa San Fernando Airport dakong 8:23 ng umaga.
Gayunman, hindi pa nagtatagal sa ere ay agad na tumawag ang aircraft sa San Fernando Tower at nagdeklara ng emergency.
Agad namang rumesponde ang rescue teams sa pinangyarihan ng insidente upang isugod ang dalawang biktima sa ospital.
Ulat ni Baronesa Reyes