Aminado si Bamban Mayor Alice Guo nitong Lunes, Mayo 21, na naging “traumatic” ang kanyang karanasan sa mga tanong sa pagdinig ng Senado tungkol sa kanyang personal details upang kanyang pabulaanan ang mga akusasyon na sangkot siya sa illegal POGO activities at umaaktong espiya para sa China.
“Traumatic po sa akin ang mga tanong sa Senate hearing tungkol sa aking pagkatao, kasi ‘yan po ang mga tanong na ayaw kong mabuksan, na sana ay mayroon akong mga sagot na makapagpaparamdam sa akin na ako’y isang normal din na nilalang,” sabi ni Guo.
“Na nang sinagot ko ng kulang o hindi raw tugma sa papel na hawak nila ay maaaring espiya ako ng ibang bansa. Na dapat kasuhan. Na dapat patalsikin sa pwesto. Na dapat ikulong kasi ang sagot ay hindi ang nais nilang marinig,” sabi ni Guo.
“Hindi ko po sila masisisi, kasi hindi naman po nila batid na ang kasagutan na kanilang inaasahan, na maaaring magbigay sa kanila ng kapayapaan ng pag-iisip ay siya naman pong mga sagot na sasariwa sa sugat na nalikha sa aking kamusmusan,” dagdag pa ni Guo.