Inaprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB-7) ang panukalang dagdagan ng P500 ang buwanang sahod para sa domestic workers o kasambahay sa Central Visayas.

Mula sa minimum wage na P5,500 kada buwan, ang mga nagtatrabaho sa mga chartered cities at first class municipalities sa rehiyon ay makatatanggap na ng P6,000, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang pahayag na inilabas noong Biyernes, Abril 26.

Sa kabilang banda, ang mga nasa ibang munisipalidad ay babayaran na ng P5,000 mula P4,500 kada buwan.

Sinabi ng Dole na magkakabisa ang bagong wage order sa Mayo 11, mahigit isang buwan pagkatapos ang public hearing na ipinatawag ng national government agency noong Abril 7.

Hindi bababa sa 107,931 kasambahay sa rehiyon ang makikinabang sa bagong wage order.

Ang huling pagkakataon na nagpatupad ng dagdag sahod sa Central Visayas ay noong Hunyo 14, 2022.