Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Misamis Occidental at Zamboanga Del Norte PNP sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte, ngayong Lunes, Abril 29, ang pangunahing suspek at gunman na pumatay kay Juan Jumalon, alyas “DJ Johny walker.”
Nakilala ang suspek na si Julito Mangumpit, alyas “Ricky,” na may walong standing warrant of arrest sa kasong murder, frustrated murder, direct assault at illegal drugs.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), si Mangupit ay naaresto dakong 3:00 ng madaling araw sa Dipolog City.
Nauna na ring naaresto noong Marso ang dalawa pang magpinsan na suspect na sina Boboy Bongcawel at Reynante Bongcawel. Napag-alaman na si Boboy ang kasamang pumasok sa gate at nanutok sa mga kasambahay ng biktima habang si reynante ang nagsilbing look out sa labas. dahil dito itinuturing na ng PNP na case solved ang kaso.
Sinabi naman ni Col. Jean Fajardo, hepe ng PNP-Public Information Office, hindi nila inaalis ang posibilidad na work related ang motibo sa pagpaslang dahil hanggang ngayon ay kumakalap parin sila ng mga ebidensya.
Ang importante, aniya, ay nasa kustodiya na nila ang pangunahing suspek.
Lumalabas din na magkakasama sa isang sindikato ang tatlong suspek na sangkot na rin sa iba pang kaso tulad ng pananambang sa municipal engineer sa Misamis, Occidental. Kaugnay nito, paghahatian naman ng mga witness at informant na nakatulong sa pagkakaaaresto sa mga suspek ang P3.7 milyong pabuya mula sa provincial government ng Misamis Occidental, at Presidential Task Force on Media Security.
Ulat ni Baronesa Reyes