Kung ang ilang lugar sa bansa ay nakararanas ng nakakapaso at mapanganib na init ng temperatura nitong mga nakalipas na araw, nakaranas naman ng hailstorm o pag-ulan ng yelo ang isang barangay sa Carmen, North Cotabato nitong Sabado.
Sa video na nakunan ng isang netizen at nai-share sa social media, makikita ang pag-ulan ng yelo sa Barangay Aroman, sa nasabing probinsya.
Kasabay ng malakas na hangin at ulan ay napansin ng mga residente ang mga butil ng yelo na bumagsak mula sa kalawakan.
May mga puno rin sa gilid ng highway ang nabuwal dahil sa lakas ng hangin. Batay sa ulat, ilang beses na ring nagkaroon ng hailstorm sa ilang lugar sa Central Mindanao at Bangsamoro Region nitong mga nakalipas na taon.
Paliwanag ng Philippine Atmospherical Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), karaniwang nagkakaroon ng hailstorm o pag-ulan ng yelo kapag may thunderstorms na nagmumula sa cumulonimbus o thunderstorm clouds.
Ulat ni Baronesa Reyes