Target ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang mga child sexual abuse and exploitation materials (CSAEM) na lumalabas sa internet gamit ang artificial intelligence (AI) na diumano’y galing sa ibang bansa.
Ayon kay Brig. Gen. Portia Manalad, director ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC), sa Malacañang Press Corp noong Huwebes, Abril 25, ito ay bilang paghahanda sa posibleng paggamit ng mga sex offenders ng CSAEM para biktimahin ang mga Pinoy na menor de edad.
“Sa ngayon, mayroon ng trainings and then the tools, we are waiting for that one, for the law enforcement side po. For CSAEM po ito,” sinabi ni Manalad.
Bagama’t wala pa namang napaulat na may gumagamit ng CSAEM, sinabi niya na sila ay naghahanda na sakaling may mapabalitang gumagamit nito sa bansa.
“We’re still developing that tool, we are trying to find really iyong technology na kaya nila na habulin, or parati silang na andoon sa kumbaga step ahead sa amin,” ayon kay Manalad.
Sinabi rin ng opisyal na South Korea ay mayroon ng nililikhang mga tools para ma-tukoy ang mga CSAEM na gamit ang AI.