Pinakiusapan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Transport Opereytor Nationwide (PISTON) sa Korte Suprema kaugnay ng kanilang apela na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa jeepney modernization program ng pamahalaan.
“Dapat magsalita na ang Supreme Court. At kung hindi sila magsalita mayroon pa rin kaming supplemental petition na ihahain sa kanila,” pahayag ni Ruben Baylon, secretary general ng PISTON.
Isinagawa ng grupo ang isang kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema ngayong Martes, Abril 23. upang hikayatin ang mga mahistrado na maglabas na ng desisyon hinggil sa kanilang petisyon, lalo na’t malapit na ang deadline para sa PUV consolidation sa Abril 30.
“Umaasa pa rin kami na magbababa sila ng TRO panig sa mga mamamayan. Kung hindi, hindi kami mangingimi na ilaban ang tama sa kasalukuyan,” ani pa ni Baylon.
“Kahit dumating ang April 30, bibyahe pa rin po ang mga operator na naninindigan para sa kanilang karapatan. Kung huhulihin, sanay na kami sa huli po. Araw-araw nahuhuli kami,” saad pa ni Baylon.
“Pakiusap namin sa mga commuter na unawain ang kalagayan ng mga driver at operator dahil ito ay laban ng mga mamamayan. Ito ay laban ng malawak na sektor ng mga commuter,” dagdag pa ni Baylon.