Malugod na tinanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong Martes, Abril 23, ang resulta ng pinakahuling survey ng Tugon ng Masa (TNM) na nagpakita ng pagbaba ng self-rated poverty at self-rated hunger sa unang tatlong buwan ng 2024.
“We, in the DSWD, are happy with the survey results and will continue to strengthen our social protection programs to continue to improve the lives of our kababayans,” sabi ni Assistant Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao.
Batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research, humigit-kumulang 42 porsiyento, halos katumbas ng 11.1 milyong pamilyang Pilipino, ang itinuturing na mahirap sa first quarter ng taon.
Mas mababa ng tatlong porsiyento ang datos mula sa naitalang 45 porsiyento o humigit-kumulang 11.9 milyong pamilya sa isinagawang fourth quarter TNM survey noong Disyembre 2023.
Sinabi ni Dumlao na ang pinakahuling resulta ng Tugon ng Masa ng OCTA Research ay patunay na nasa tamang landas ang gobyerno sa pagbibigay ng whole-of-nation at whole-of-government approach sa pakikipaglaban sa gutom at kahirapan.