Parehong bumaba ang trust ratings nina President Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) ilang araw matapos ang malawakang anti-corruption rallies sa iba’t ibang lugar sa bansa nitong Setyembre 21.
Sa SWS survey, na kinomisyon ng research consultancy firm na Stratbase Group at isinagawa nitong Setyembre 24-30, naitala sa 43 porsiyento ang trust rating ni Marcos, bumaba ng limang puntos mula sa 48 porsiyentong naitala niya noong Hunyo 2025.
Nasa 36 na porsiyento ng SWS respondents ang nagsabing kakaunti lang ang tiwala nila sa Pangulo, habang 21 porsiyento naman ang undecided.
Eight-percentage points naman ang ibinaba ng trust rating ni VP Sara, na nakapagtala ng 53 porsiyento nitong Setyembre, kumpara sa 61 porsiyento ng mga Pilipinong nagtiwala sa kanya noong Hunyo.
Sa survey, 28 porsiyento ang may kakaunting tiwala sa Bise Presidente, habang 18 porsiyento naman ang undecided.
