Lumabas sa pinakaunang beses ang “graft and corruption” sa gobyerno na bahagi ng ‘top national concerns’ ng mga Pilipino, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.

“The sharp rise in corruption concerns indicates a growing public demand for integrity and accountability in government, as Filipinos increasingly turn their attention from just economic concerns to issues of governance,” saad ng OCTA Research.

Isinagawa ang naturang survey noong Setyembre 25 hanggang 30, kung saan ipinalista sa mga respondent ang tatlong pinaka-importanteng isyu na kailangang aksiyunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nairanggo bilang unang national concern ang “controlling the increase in prices of basic goods and services”, na sinundan ng “fighting graft and corruption in government.”

Ayon sa OCTA Research, ang pagpasok ng isyu ng kurapsyon sa top five national issues sa Tugon ng Masa survey ay nangangahulugan ng “growing public demand for integrity and accountability in government.”

Batay sa survey, ang pagkabahala sa kurapsyon ay tumaas ng 18 puntos mula 13 porsyento noong Hulyo hanggang 31 porsyento nitong Setyembre.

Ulat ni Jilliane Libunao