Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Linggo, Abril 21, na maaaring bumaba ang presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo sakaling dumami ang electric vehicles sa mga kalsada sa bansa.
“Ito ang nakikita namin na solusyon [sa] problema sa tumataas na presyo ng gasolina na linggo linggo ay tumataas,” ayon kay DOTr Executive Assistant to the Secretary Joni Gesmundo.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Gesmundo na hindi lamang environment friendly ang mga e-vehicles, ngunit maaari rin itong maging potensyal na “solusyon” sa matagal nang problema ng mga motorista sa mataas na presyo ng gasolina.
“Ako, naniniwala ako personally, na kapag ito ay na-push natin na maraming marami ang gumagamit ng mga kotse na electric, bababa ang gasolina dahil matatakot ang mga oil companies dahil mawawalan na sila ng market,” aniya.
Ito ay bunsod ng sunud-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo bunsod ng mga nagaganap na karahasan sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Russia, Israel, Iran na nakaaapekto sa global oil supply.