Ipina-deport na pabalik ng kanyang bansa ang American national na si Lee O’Brian, na dating boyfriend ng komedianteng si Marietta Subong, na mas kilala sa showbiz bilang “Pokwang,” nitong Lunes, Abril 8.
Ayon sa kalatas ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Huwebes, Abril 11, ang pagpapatapon kay Lee O’Brian pabalik ng US ay base sa reklamong inihain ni Pokwang laban sa kanyang ex-partner dahil sa umano’y pagtatrabaho nito sa Pilipinas ng walang kaukulang permit.
Sinabi ni Pokwang sa kanyang reklamo na nagtrabaho si O’Brian sa iba’t ibang production company sa Pilipinas bagamat wala itong working permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at BI.
Una nang pinaboran ng BI ang reklamo ni Pokwang at ipinag-utos ang deportation nito noong Disyembre dahil sa paglabag sa immigration laws subalit naghain ng motion for reconsideration ang naturang US citizen na binalewala ng kawanihan kamakailan.
Sinabi ng BI na lumipad si O’Brian lulan ng isang Philippine Airlines flight patungong San Francisco gabi ng Abril 8. Kinumpirma rin ng ahensiya na wala itong ibang kinahaharap na kaso sa Pilipinas.
At dahil sa kanyang pagkaka-deport sa US ay inilagay na ito sa BI blacklist upang hindi na muling makatuntong sa Pilipinas.