Bukod sa tatlong beses na pagsali sa Binibining Pilipinas bago nasungkit ang Miss Universe title, inihayag ni Pia Wurtzbach ang iba pa niyang pinagdaanan, kabilang ang pagiging waitress sa United Kingdom sa kabila ng pagiging artista sa Pilipinas.

“Ilang beses ko na narinig ‘to: sayang si Pia, maganda sana pero hindi nabigyan ng break. Masyado kasi s’yang matangkad, ‘di natin s’ya mabigyan ng love team,” ibinahagi ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

“Sayang, pwede sana ilagay sa roles pero rinig na rinig namin na taga-Cagayan de Oro s’ya. Rinig na rinig namin ‘yung Bisaya accent n’ya tuwing may mga dialog s’ya,” sabi ni Pia.

Bilang breadwinner, nang hindi na umasa si Pia sa showbiz para maghanapbuhay, pumunta siya sa United Kingdom para tuklasin ang iba pang pagkakataon.

“Sayang, napag-iwanan na s’ya ng mga kasabayan n’ya. Buti pa sila. Sayang, nag-artista, walang nangyari. Ang nangyari, pumunta sa UK, naging waitress sa isang hotel. From artista to waitress – saying,” ani pa ni Pia.

“Nu’ng nag-culinary naman ako, which is a male-dominated space, sayang din, ako lang ‘yung babae sa kusina. Ayaw nila agad ibigay sa’kin ‘yung trabaho kasi akala nila hindi ko kaya buhatin ‘yung mga pots and pans. So nag-trial muna ako bago ko nakuha,” dagdag pa ni Pia.