Magkakaroon ng esklusibong pagtatanghal para sa mga rider groups ang “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea,” na isang documentary na nakasungkit ng parangal sa DocEdge Film Festival 2025 dahil sa mensaheng dala nito tungkol sa mga ordinaryong mangingisdang Pinoy na patuloy ang laban sa panghihimasok ng China sa karagatan ng Pilipinas.

Sa pakikipagtulungan ng Tourism Promotions Board (TPB) at Philippine Motorcycle Tourism (PMT), inanunsiyo ng Breakfast Ride Community na magkakaroon ng block screening ang ‘Food Delivery’ sa Giant Cinema sa Trinoma, Quezon City sa Linggo, Agosto 31 ng umaga.

Ang Breakfast Ride Community na pinamumunuan ng mag-asawang Raymon at Malou Gabriel ay aktibo sa mga kaganapan na sumusuporta sa mga adhikain ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng kanilang “Support Our Troops” ride events na ilang ulit nang naisagawa nitong mga nakaraang taon.

Ayon sa mag-asawang Gabriel, ang pagsuporta ng Breakfast Ride Community (BRC) ay bilang pakikiisa ng mga riders sa kabayanihan hindi lamang ng mga sundalo na nakatalaga sa West Philippine Sea (WPS) ngunit maging ang mga ordinaryong mangingisdang Pinoy na hindi iniiwanan ang lugar sa kabila ng walang-tigil na pambu-bully na kanilang inaabot mula sa China Coast Guard (CCG).

Una nang ginanap ang world premier ng “Food Delivery” sa Auckland, New Zealand noong Hulyo 2025 na dinaluhan ng mga nasa likod ng naturang documentary sa pamumuno ni Director Baby Ruth Villarama.

Matatandaan na agad na nagprotesta ang gobyerno ng China nang unang ipalabas ang “Food Delivery” dahil sa alegasyong “misleading” ito na pinabulaanan naman ng grupo ni Villarama.

“We are in the business of truth. So, totoo lang ang lahat ng ito,” giit ng director.