Kasado na ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 51st edition kung saan gaganapin ang pinakaaantabayanang Parade of the Stars na itinakda sa Disyembre 19 sa Makati City, ayon sa MMDA.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na kabilang sa mga floats na aarangkada sa Parade of Stars ay mula sa walong official film entries: “Call Me Mother,” “Rekonek,” “Manila’s Finest,” “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins,” “I’m perfect,” “Love You So Bad,” “Unmarry,” at “Bar Boys: After School.”
Tulad ng mga nakaraang Parade of Stars, inaasahang dadagsain ng mga movie fans ang parada ng kanilang mga paboritong artista na nakasampa sa makukulay na float.
“We are excited to share the celebration with the people in Makati City for the first time. The upcoming 51st Parade of Stars will be another memorable occasion to mark this year’s theme: A New Era for Philippine Cinema,” sabi ni Artes.
Magsisimula ang mga movie-themed floats sa Macapagal Boulevard ala-1 ng hapon. Tatahakin ng grupo ang Buendia Avenue, Ayala Avenue, Makati Avenue, JP Rizal Street, A. Reyes Avenue, at magtatapos sa Circuit Makati na may kabuuang distansiya na 8.4 kilometro.
