Kinumpirma ng Malacañang nitong Linggo, Abril 27, na personal na binayaran ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hospital bills ng yumaong National Artist na si Nora Aunor.
“Aside sa makukuha niya as National Artist, nagbigay ng personal na pera ‘yung mag-asawa (PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos). Kasi nasa private hospital si Nora Aunor, malaki ‘yung bill na ‘di na kayang i-cover,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Senior Undersecretary Ana Puod.
Nilinaw ni Puod na si Marcos Jr. ang nagbayad ng hospital bills ng Superstar, at hindi ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
“‘Di lang ‘yung hospital bill ‘yan. Pati ibang utang at ibang expenses daw galing sa personal na pera ni PBBM ‘yan,” saad ni Puod.
“Kung magkano at ano ang breakdown ng binigay ng Presidente, we don’t want to discuss anymore,” dagdag pa niya.
Inilibing nitong Martes sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City si Nora, na pumanaw sa edad na 71 noong Abril 16 dahil sa acute respiratory failure.
Ulat ni Bea Tanierla