Sinuspinde ni Mayor Tyrone Christopher Berona ng Pilar, Abra ang klase sa elementary at high school level sa munisipalidad nitong Martes, Abril 2, bunsod ng mainit na bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at rebeldeng New People’s Army (NPA) sa dalawang barangay sa hangganan ng Pilar at Sta. Maria, Ilocos Sur.
Inilabas ni Berona ang Executive Order No. 27 Series of 2024 na nagsuspinde sa klase sa elementary at high school level sa lugar dahil sa engkuwentrong naganap sa pagitan ng mga sundalo ng Philippine Army at rebeldeng NPA sa Barangay Nagcanasan ng naturang bayan at Barangay Babalasioan sa Sta. Maria, Ilocos Sur dakong alas-11 ng umaga kahapon.
“Whereas, as a precautionary and proactive measure in anticipation of any untoward incident in relation to the foregoing and to safeguard the learners and school personnel, form physical danger, classes in primary and secondary levels burst in public and private schools are suspended,” ayon sa EO No. 27.
Base sa ulat ng Philippine Army, nagsasagawa ng security operation ang mga elemento ng 50th Infantry Battalion nang makasagupa ng mga ito ang diumano’y mga miyembro ng NPA-North Abra Guerilla Field Committee sa ilalim ng Ilocos Cordillera Regional Committee na pinamumunuan ni Maria Luisa Purcray, na tubong Northern Mindanao.
Tumagal ang engkuwentro ng halos limang minute bago nagsitakas ang mga rebelde. Ayon sa report, isang sundalo ang sugatan sa insidente.
Sinabi rin sa report na gumamit ng air support ang pamahalaan sa pagtugis sa mga tumakas na NPA.