Inanunsiyo ng pulisya ang pagsuko ng dalawa pang kapwa akusado ni Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) na nahaharap sa kasong kriminal sa Davao City.
Ayon sa ulat ng pulisya, sumuko ang mga akusado na sina Jackiely Roy at Ingrid Canada sa mga opisyal ng Police Regional Office 11 at lokal na tanggapa ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Huwebes, Abril 4, ng umaga.
Nitong Miyerkules, unang sumuko ang tatlong miyembro ng KJC na sina Cresente Canada, Pauline Canada at Sylvia Camanes matapos ihain ng NBI at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang arrest warrant na inilabas ng Davao City Regional Trial Court (RTC) laban sa kanila at kanilang lider na si Quiboloy.
Kasama si Quiboloy, na wanted din ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa kasong rape at iba pa, at kanyang limang kasamahan ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law sa Davao RTC Branch 12.
Samantala, pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad si Quiboloy.