Ipinagutos na ni Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na pagsasagawa ng mass vaccination sa mga aso sa lalawigan kasabay ng paghuli ng mga asong gala para magkaroon ng “population control” sa gitna ng naiulat na rabies contamination sa ibang hayop tulad ng baboy at baka.
“Pinanawagan po naming sa mga taga-Marinduque na kapag ang hayop – tulad ng baboy, baka at iba pang uri ng hayop na kinakanin – ay nakagat ng aso at namatay, huwag na pong katayin dahil baka kontaminado na ito ng rabies,” sabi ni Dr. Joshue Victoria, Marinduque provincial veterinarian.
Nakasaad din sa Meat Inspection Law na ang lahat ng uri ng hayop na namatay dahil sa hinihinalang sakit ay hindi dapat kainin ng tao, ayon kay Dr. Joshue Victoria, Marinduque provincial veterinarian sa panayam ng TeleRadyo.
“Nagsasagawa na rin ng “mercy killing” sa mga asong wala nang nagaampon,” ayon pa kay Victoria.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga nakagat ng aso na agad na kumonsulta sa doktor sa halip na humingi ng tulong sa albularyo, tulad ng nangyari sa rabies outbreak sa Marinduque halos 17 taon na ang nakakaraan kaya marami ang namatay na biktima.
Ikinalungkot din ng mga taga-Marinduque na ang pagkalat ng rabies sa kanilang lugar ay lumala nitong nakaraang buwan ng Marso kung kailang ginugunita ang “Rabies Awareness Month” ng Department of Health (DOH).