Ayon sa Police Regional Office XI at Davao City Police Office (DCPO) nitong Lunes, Marso 25, wala pa rin silang ideya sa kinaroroonan ng televangelist na si Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga alegasyon ng human trafficking at sexual abuse.
Sinabi ni Davao City Police Office spokesperson Capt. Hazel Tuazon na hinihintay pa nila ang kopya ng arrest order mula sa Senado, gayundin ang koordinasyon mula sa sergeant-at-arms ng Senado para aksyunan ang usapin.
Nauna nang sinabi ni Tuazon na ang sergeant at arms ng Senado ay dapat makipag-ugnayan sa lokal na pulisya upang maiwasan ang posibleng kaguluhan sa pagbibigay ng arrest order, dahil maraming tagasuporta si Quiboloy sa lugar.
Pahayag rin ni PRO XI spokesperson Maj. Catherine Dela Rey na handa silang ipatupad ang arrest order.
Hindi naman nagbigay ng komento si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Biyernes, Marso 22, tungkol sa arrest order laban kay Quiboloy.