Patay ang isang pinaghihinalaang opisyal ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) matapos makipagpalitan ng putok sa puwersa ng Philippine Army sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Biyernes, Marso 22.
Kinilala ni Brigadier General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 1st Brigade Combat Team ang nasawi na si Abu Halil, training officer ng BIFF-Karialan Faction at kapatid ni Khadafi Abdulatif, ang chief of staff ng BIFF-KF.
Batay sa ulat, nagka-engkwentro ang sundalo at ang ‘di mabilang na grupo ng mga teroristang pangkat sa Sitio Binakuyan, Brgy. Lower Salbu sa nasabing bayan na tumagal ng dalawampung minuto ang bakbakan.
Matapos na umatras ang mga kalaban, agad na nagsagawa ng clearing operations ang mga sundalo dahilan para matagpuan ang bangkay ni Halil, na iniwan ng kanyang mga kasamahan.
Bukod dito, nasabat din ng operating troops ng 1BCT ang isang M16 rifle, apat na mga magazine, bandolier, at sari-saring bala.
Sinabi ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6ID/JTF-Central na bagaman at tagumpay ito sa panig ng pamahalaan para maprotektahan ang mamamayan, nalulungkot din siya sa sinapit ng mga taong nabiktima lamang ng maling ideolohiya.