Sinampahan ni Baguio City Councilor Mylen Yaranon ng diumano’y paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Benjamin Magalong.
Ayon sa kanyang inihain reklamo, sinabi ni Yaranon na may mga iregularidad diumano sa pagpapatupad ng konstruksiyon at rehabilitasyon ng multi-purpose building sa Irisan Barangay Complex na nagkakahalaga ng P50 milyon.
Ang proyekto ay ipinatupad sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Public Works and Highway (DPWH) Cordillera Region at Baguio City government sa pamumuno ni Magalong.
Ang proyekto ay ipinagkaloob ng Baguio City local government sa Khatib Construction noong Disyembre 18, 2021 at inaasahang makukumpleto ito sa Disyembre 2022.
Subalit sa ginanap na pagpupulong noong Marso 20, 2022, iginiit ng DPWH na may mga “discrepancies” sa pagpapatupad ng proyekto mula sa orihinal na construction plan na kinakailangan ng isang Variation Order bago ipatupad.
Ipinaalam din ng DPWH sa pamamagitan ng liham sa Baguio City Building and Administration Office (CBAO) na iba rin ang mga ginamit na construction materials sa nakasaad sa orihinal na plano.