Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na isang barangay captain lamang ang nagsilbing chairperson ng Protected Area Management Board (PAMB) nang maglabas ito ng resolusyon na nagpapahintulot sa The Captain’s Peak Resort sa gitnang bahagi ng Chocolate Hills.
“Noong nakita ko itong resolution na ginawa, kung hindi ako nagkakamali, wala yung chairman ng DENR. Ang nag-chair ay isang barangay captain. Kaya naipasa itong tungkol sa Captain’s Peak,” sabi ni Abalos.
Iginiit ni Abalos na walang chairman mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dumalo sa talakayan sa pagapruba ng environmental compliance clearance (ECC) para sa The Captain’s Peak Resort.
Ayon kay Abalos, kasama sa organizational structure ng PAMB ang isang DENR official, gobernador, tatlong district representatives, 65 barangay captain, at kinatawan ng iba’t ibang ahensya.
Dahil dito, sinabi ni Abalos na pupulungin niya ang PAMB sa iba’t ibang rehiyon para maimpormahan ang mga ito ng mahahalagang environmental laws sa tulong ng DENR.