Ipinagutos ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na ikulong si dating Maj. Allan de Castro, ang pangunahing suspek sa misteryosong pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon, dahil sa umano’y pagsisinungaling.
Ito ay matapos mapikon ang mga senador sa sinibak na Police major Allan de Castro dahil sa diumano’y pagtanggi nito na nagkaroon sila ng relasyon ni Catherine Camilon sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado ngayong Martes, Marso 19.
“Nagsisinungaling ka sa harapan ko… I am not satisfied with your explanation,” sabi ni committee chairman Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Iginiit ng komite na mayroong silang hawak na larawan at testimonya ng mga testigo na magpapatunay na nagkaroon ng relasyon sa pagitan ng sinibak na pulis at nawawalang beauty queen.
At nang mapikon si Sen. Robinhood Padilla sa mga sagot ni de Castro, agad itong naghain ng mosyon na i-contempt ang principal suspect na agad namang sinegundahan ni dela Rosa.
At dahil dito, agad na binitbit ng Senate Sergeant-at-Arms sa basement ng Senate building kung saan ito pansamantalang ikinulong.
Huling nakita si Camilon, na dating Miss Grand Philippines candidate, noong Oktubre 2023 habang sakay ng kanyang kotse patungo sa Batangas City mula sa kanyang bahay sa bayan ng Tuy.