Nakatakdang ganapin ang state necrological service para sa yumaong aktres at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor sa Metropolitan Theater, Maynila sa Martes, Abril 22 bilang isang national artist.

Naglabas ng pahayag ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center for the Philippines (CCP) kung saan nakasaad ang gagawing necrological tribute para kay Nora Aunor.

Magsisimula ang Arrival Honors ng alas-8:30 ng umaga, na susundan ng Tribute Program sa Metropolitan Theater alas-9 ng umaga, at magpapatuloy ang mga seremonya hanggang sa paghatid sa kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Bubuksan sa publiko ang necrological service ngunit limitado ang seating capacity kung kaya’t kinakailangang magparehistro ang mga nais makasaksi ng libing ng tinaguriang “Superstar” ng Philippine movies para makakuha ng ticket.

Bukas na ang registration para sa mga tiket hanggang ngayong Lunes, Abril 21.

Mapapanood din sa mga Facebook page ng NCCA at CCP ang livestream ng gagawing huling pagpupugay para sa premyadong aktres.

Ulat ni Jilliane Libunao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *