Ibinasura ng Tsek.ph ang isang YouTube video na nagsabing ninakaw umano ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang gold reserves ng bansa.
Ayon sa artikulo na inilabas ng Tsek.ph nitong Sabado, Marso 1, wala umanong basehan ang sinabi ng isang YouTube video na ninakaw umano ni President Marcos ang gold reserves ng bansa.
Kasama sa naturang video ang talumpati ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na Cebu People’s Indignation Rally noong Pebrero 22 sa Mandaue City kung saan inakusahan niya ang mga Marcos na ninakaw at binenta ang gold reserves ng Pilipinas.
Nakasaad sa headline ng video na inilabas noong Pebrero 25 na: “Tibag na sila dito! Ginto sa Bangko Sentral unang kinawat ni ngagba?”
Nakasulat sa thumbnail ng video na “bistado” na umano ang tallano gold at sinabing: “Ibalik ninyo ang ginto!”
Ibinasura din ito ng Bangko Sentral sa inilabas nito na pahayag noong Pebrero 24, at sinabing sila lamang umano ang may “sole authority” na mamahala sa gross international reserves (GIR) ng bansa, kabilang ang ginto, para sa foreign exchange requirements ng Pilipinas.
(Courtesy: tsek.ph)
Ulat ni Ansherina Baes