Tiwala si Navotas City Congressman at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign manager Toby Tiangco na patuloy na umaani ng suporta ang mga senatorial candidates ng administrasyon hindi lamang mula sa national at local level ngunit pati sa grassroot organization.
“Nananatiling matatag ang koalisyon ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa gitna na rin ng pagbuhos ng suporta at pag-endorso sa mga kandidato ng administrasyon,” aniya.
“This is something that we welcome and are proud of because politics is about addition, not division. It is about building coalitions. And in any election, every bit of support counts,” inihayag ni Tiangco ngayong Martes, Abril 15.
Malaking bagay aniya ito, dahil naniniwala sila na ang pulitika ay pagbuo ng mga koalisyon at ano mang suporta ay mahalaga.
Ito ang naging pahayag ni Tiangco matapos maglabas ng mga larawan at videos sina Sen. Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar na nagpapakita ng pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa kanilang kandidatura.
Si Sen. Imee ay pormal nang naghayag ng kanyang pagkalas sa Alyansa kamakailan subalit si Camille ay nananatiling tikom sa kanyang estado sa administration coalition.