Pinangangambahang papalo sa 50 degree Celsius ang heat index sa lalawigan ng Catanduanes sa mga susunod pang araw, ayon sa PAGASA.
Kaya naman pinayuhan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng mag-ingat at paghandaan ang mas matindi pang epekto ng El Nino sa kanilang lugar.
Ito ay matapos na makapagtala ng 47.2 degrees Celsius na heat index ang lalawigan nitong Marso 16, 2024, ang pinakamataas na heat index na naitala ngayong taon.
Sinabi ni Jun Patino, PAGASA weather specialist sa Catanduanes, hindi nito inaalis ang posibidad na tumaas pa ang heat index at umabot sa 50 degree Celsius dahil Marso pa lamang.
Batay sa pahayag ng PAGASA, mararanasan ang pinakamatinding epekto ng el Nino sa bansa mula Marso hanggang Mayo.
Sa ngayon, marami na aniyang magsasaka at residente ang humihingi ng tulong dahil sa nararanasang dry spell.
Kapansin-pansin narin sa lalawigan ang panunuyo ng mga lupang sakahan, pagbaba ng tubig sa mga irigasyon at kawalan ng pagkukunan ng tubig na maiinom.
Ulat ni Baronesa Reyes