Habang nagbibitak-bitak ang lupang sakahan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas dahil sa tagtuyot dulot ng El Nino phenomenon, nabalutan naman ng yelo ang malaking bahagi ng isang campsite sa Kidapawan City , North Cotabato nitong Lunes, Marso 11.
Sa mga larawang ibinahagi ng hobbyist photographer na si JC Quiñanola sa social media , makikitang nabalot ng yelo ang paligid ng Mount Apo Lake Venado camp site sa naturang lugar.
Kuha ang mga larawan nitong Lunes, mula 6:00 hanggang 7:00 ng umaga sa camp site. Ayon sa ilang mountaineer, mainit ang temperatura noong umaga ng linggo sa lugar subalit unti-unti itong lumamig pagsapit ng gabi.
Paliwanag ni Mount Apo Natural Park Development Management Officer Paul Rodney Arbiol, umabot sa 6 hanggang 8 degrees Celsius ang naitalang temperatura sa lugar noong Lunes.
Ulat ni Baronesa Reyes