Inaasahan ng kamakailang na-delist na conglomerate na Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na magpapatuloy ang pagtala ng double-digit growth sa taong ito matapos mag-ulat ng 90 porsiyentong paglobo sa consolidated net income sa record na P19.9 bilyon noong nakaraang taon mula sa P10.5 bilyon noong 2022.
“We are working hard to make 2024 another banner year for MPIC and our operating companies on the expectation that greater private sector participation in infrastructure development will help propel our nation to higher growth in the near term and further ahead,” ayon kay MPIC Chairman, President, at CEO Manuel V. Pangilinan.
Binanggit ni MVP na makikita ang paglago sa lahat ng sektor tulad ng kuryente, tubig, ospital, agrikultura, at mga tollway, idinagdag pa niya na ang positive outlook na ito ay batay sa performance ng mga subsidiary sa unang dalawang buwan ng taon.
Sinabi naman ni MPIC Chief Finance, Risk and Sustainability Officer Chaye A. Cabal-Revilla ang pinakamalaking bahagi ng capex ay mapupunta sa Manila Electric Company sa P41 bilyon, Maynilad Water Services Inc. sa P31.4 bilyon, at Metro Pacific Tollways Corporation sa P28 bilyon.
“All of our core business segments performed consistently well in 2023. Meralco’s power generation business is becoming a steady contributor to its growth with promising expansion opportunities in the pipeline,” sabi pa ni Pangilinan.
“Traffic on our toll roads under MPTC is rising by double digits and Maynilad is benefiting from the catch-up of delayed tariff increases,” dagdag pa niya.