Sa ginanap na press briefing ng Malacañang ngayong Miyerkules, Abril 30, tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na uungkatin ng administrasyon ang isyu ukol sa “very poor service” ng PrimeWater ng pagmamay-ari ng Villar family sa San Jose Del Monte City sa Bulacan.

“Ang pangangailangan po ng tao sa malinis na tubig, sapat na supply ng tubig, ay dapat lang po na nararapat, at hindi pang-negosyo lamang kung hindi ito ay dapat na kinakalinga ang pangangailangan ng taumbayan,” sabi ni Castro.

Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng pagkansela ni Bulacan Gov. Daniel Fernando sa joint venture agreement na pinasok ng mga water district sa lalawigan na malubhang naapektuhan ng palpak na serbisyo ng PrimeWater Infrastructure Corp., partikular sa mga lugar ng Calumpit, Malolos City, Marilao, at San Jose del Monte City.

Iginiit ni Castro na nararapat lang na makuha ng mga tao ang sapat na supply at malinis na tubig dahil ito ay kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat tahanan.

“Unang-una po, sinabi po natin na ang kakulangan sa serbisyo ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr…. Mag-uutos po ang Pangulo para maimbestigahan po ito,” dagdag pa ni Castro.

Ulat ni Jilliane Libunao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *