Sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ngayong Martes, Hulyo 8, nanawagan sila sa pamahalaan na lagyan ng “karampatang kontrol” ang mga online payment systems sa e-gambling upang hindi maging madali para sa kabataan na makapasok dito.
“Nawa’y ma-protektahan ang ating kabataan mula sa mga laro ng sugal sa mga online payment systems na ito,” panawagan ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David.
Hinimok din nila ang publiko na kilalanin ang pagkalulong sa sugal bilang isang public health issue “na dapat pagtuunan ng sapat na edukasyon, batas, at gamutan.”
Hiniling naman nila sa mga advertisers at media na itigil ang romanticization sa pagsusugal “at ipakita ang totoo nitong epekto.”
“Huwag sanang hayaang dahil sa kinang ng pera ay isasakripisyo ang tunay na mahalaga,” giit ni Cardinal David.
Ulat ni Ansherina Baes
