Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Taiwanese at isang South Korean, na wanted sa kani-kanilang bansa dahil sa kasong money laundering at cybercrime, sa operasyong isinagawa sa Makati at Paranaque.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dalawang naaresto na sina Li Ming Hsiu, 44-anyos, isang Taiwanese; at Joo Hang Wong, 39-anyos, isang South Korean.
Sinabi ni BI Fugitive Search Unit (FSU) acting chief Rendel Ryan Sy, si Liu ay wanted sa Taiwan base sa arrest warrant na inilabas ng Taiching District Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa anti-money laundering law sa kanilang bansa.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng BI, si Liu ay miyembro ng isang multiple scanning syndicate sa Taiwan na nakakulimbat ng mahigit P78 bilyon mula sa kanilang mga nabiktimang Taiwanese.
Samantala, si Joo ay pinaghahanap ng South Korean authorities matapos masangkot sa hacking ng 66,500 personal messaging application accounts sa pamamagitan ng isang computer program na kanyang nilikha.
Ang mga na-hack na personal information ay ibinenta diumano ni Joo sa isang third party na nasa likod ng telecom fraud activities at phishing operations sa SoKor.