Kasabay ng selebrasyon ng Plastic Free July, inilunsad ng Greenpeace Philippines Black and White Campaign—isang ambisyosong kampanya na maisulong ang isang malakas na Global Plastics Treaty—na layuning matigil ang walang habas na paglikha ng plastic ng mga korporasyon sa daigdig. Inilalantad ng Black and White Campaign ang panganib na dulot ng plastic sa daigdig, mga tao, at maging sa mga hayop. Binibigyang-diin din ng kampanya ang peligro ng plastic, partikular sa mga tao—mula sa paglikha nito hanggang sa mauwi ito bilang basura.
“Hindi lang basura sa mga karagatan natin ang plastic pollution. Sa labis na produksiyon ng plastic, nasa peligro ang mga tao. Malayo at malawak ang epekto nito, na naglalagay sa ating biodiversity at pagkain sa napalaking panganib, habang isinasapanganib din nito ang kalusugan natin, pinatitindi ang kawalang katarungan sa lipunan, at pinalalala ang krisis sa ating klima,” ani Greenpeace Philippines Campaigner Marian Ledesma sa pahayag na ipinadala sa Pilipinas Today.
Matindi ang epekto sa kalusugan, kabuhayan
Aniya, malinaw na inilalarawan ng Black and White campaign ang mahigpit na pangangailangan para sa isang malakas na Global Plastics Treaty, lampas sa mga hangganan ng mga bansa, para maprotektahan ang daigdig at mga nabubuhay rito sa masamang epekto ng polusyong dulot ng plastic.
Ayon sa Greenpeace Philippines, nakaaalarma na ang lebel ng microplastic na napupunta sa pagkain at tubig na kinokonsumo ng tao. Katunayan, pagbubunyag ng Greenpeace Philippines, may mga kasong natatagpuan na rin ang microplastic sa dugo at organs ng tao.
“Sa Pilipinas, ipinakikita ng pinakahuling mga pag-aaral ang presensiya ng microplastic sa hangin sa Metro Manila at sa katubigan ng Laguna de Bay at Tañon Strait,” pahayag ng Greenpeace.
Dagdag pa ng Greenpeace Philippines, apektado rin ng polusyong dulot ng plastic ang komunidad ng mga mangingisda at maralitang taga-lungsod, partikular sa kanilang kabuhayan at kaligtasan.
Paliwanag ng Greenpeace, karaniwang nasisira ang gamit sa pangingisda ng mga mamamalakaya dahil sa plastic sa dagat samantalang ito naman ang pangunahing dahilan ng pagbaha sa mga komunidad maralitang taga-lungsod.
Kahit banta sa daigdig, paggawa ng plastic tuloy pa rin
Himutok naman ng Greenpeace, kahit alam na ng malalaking kumpanya sa daigdig ang peligrong dulot ng paggawa at paggamit ng plastic, tuluy-tuloy lang ang paglikha sa mga ito. Katunayan, sabi ng Greenpeace, mas lalong tumaas pa ang produksiyon ng plastic sa mundo, itong nagdaang mga taon.
Pagsipi sa ulat ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), sinabi ng Greenpeace Philippines na sumirit ang produksyon ng plastic sa buong mundo, mula 234 milyong tonnes noong taong 2000 patungong 460 milyong tonnes noong 2019. Inaasahang titriple ang bilang na ito sa 2060.
“Ang matindi pa, 9% lamang sa lahat ng plastic na nalilikha sa daigdig ang nare-recylce,” ayon pa sa Greenpeace. Sa kabila nito, ayon pa sa environmental advocates, tuluy-tuloy lang ang produksiyon ng plastic sa daigdig.
Bukod sa pagiging matinding sanhi ng basura at polusyon sa tubig, malaki rin ang kinalaman ng produksiyon ng plastic sa carbon emission na nagpapatindi naman sa pagbabago ng klima sa daigdig (climate change).
Paliwanag ng grupo, karaniwang gumagamit ng langis at gas, dalawang numerong unong dahilan greenhouse emissions sa hangin.
Saad ng Greenpeace, sa taong 2030, ang taunang greenhouse gas emissions mula sa plastic ay tutumbas na rin sa dami ng naibubuga ng 295 500-MV coal plants (mga planta ng kuryente) taun-taon. Sa kasalukuyan, nasa 1.34 gigatons ang naipoprodyus na greenhouse gas ng mga ito, at tinatayang lolobo pa ang kabuuang greenhouse emissions ng ito sa 56 gigatons sa taong 2050.
“Kaya nga, itong Global Plastics Treaty, minsanang pagkakataon lang ito sa ating henerasyon, para tuwirang tugunan ang krisis sa plastic pollution. Kaya nanawagan ang Greenpeace sa isang matatag na kasunduan na maglalaman ng komprehensibong mga hakbang, kasama na ang pag-alis sa plastic pollution, mula produksiyon hanggang sa pagtatapon, paglimita at unti-unting pagtigil ng paglikha ng plastic, at pagtiyak sa isang makatwiran at inklusibong transisyon natin sa low-carbon, zero-waste, toxic-free, and reuse-based economy,” pahayag ni Ledesma.
“Ang pinakamahalaga, dapat na isulong ng naturang kasunduan ang human rights-based approach sa pagtugon sa problema, na may layuning mabigyang-pansin ang inhustisyang naranasan ng mga tao, kapaligiran, at ng mga komunidad. Dapat na i-black and white ng mga pinuno sa daigdig ang matibay na kasunduang ito [hinggil sa plastic],” ayon pa kay Ledesma.
Para sa iba pang detalye tungkol sa kampanya, bumisita sa www.blackandwhite.works