Madalas nating naririnig sa ating kababayang Filipino-Chinese ang “Ghost Month.” Itinuturing itong isa sa pinakamahalagang okasyon na dapat alalahanin at ipagdiwang sa Filipino-Chinese community.

Ngayong 2023, pumatak sa ika-16 Agosto ang pagsisimula ng Ghost Month at magtatapos sa ika-14 ng Setyembre. Papatak naman sa Agosto 30 ang mismong Hungry Ghost Festival at ipinagdiriwang ito ng mga Buddhist sa buong mundo.

Pero ano nga ba ang Ghost Month? at ano ba ang dapat–at hindi dapat–gawin sa buong buwan na ito ng mga “multo”?

Kinapanayam ng Pilipinas Today ang Feng Shui practitioner at spiritual diagnosis expert na si Sen Medal upang ibahagi ang kasaysayan at ang “Do’s and Don’t’s” sa buong panahon ng Ghost Month.

Ghost Month: Kailan ba nagsimula?

“Ang Ghost Month ay pagsasariwa ng isang makasaysayang tagpo sa Buddhismo na naitala sa tinatawag na Ullambana Sutra,” paliwanag ni Sen hinggil sa pagdiriwang na ito.

“Sa Sutra na ito ikinuwento ang tagpo sa isang disipulo o monghe ni Lord Buddha na si Venerable Mogallana (Mulian sa Tsino) nang bumukas ang kanyang espiritwal na mata sa tulong ng mga katuruan ni Buddha. Sa kanyang paglalakbay sa pagbabahagi ng Buddhismo sa India. Nakita nia sa espiritwal niyag mata na ang kanyang yumaong ina, ay nagdurusa sa tinatwag na “Preta-gati” o kung tawagin ay ‘Hungry Ghost Realm.’ Sa Katolikong paniniwala para pong ‘Purgatorio’ ang espiritwal na lugar na ito, kung saan sa Hungry Ghost realm ang mga nandito ay mga namamayat, nagugutom, at tuyot ang kanilang itsura. Walang katapusan ang kagutuman sa kabilang buhay na ito, at kahit makahanap sila ng pagkain, nagiging abo ito kapag sinubo na nila sa kabilang mga bibig,” aniya.

Paliwanag pa ni Sen, dahil may pagdurusa sa mundo ng mga espiritu, may katungkulan ang mga nabubuhay na ipanalangin at tulungan silang maibsan kahit paano ang dinaranas nilang hirap at dusa sa Hungry Ghost Realm.

“Tulad sa ating mga Kristiyano, inaalala natin ang mga yumao at pingagdadasal sila tuwing Undas, ang Hungry Ghost month naman ang maihahalintulad natin sa pagdiriwang na ito,” paliwanag ng Feng Shui practitioner.

Bagaman may pagkakahawig sa kinagisnang Undas, nilinaw ni Sen ang pagkakaiba ng Hungry Ghost Month at ng Undas.

“Ngunit bakit nga po ba magkaiba ang buwan ng pagdiriwang nito sa atin ‘di tulad sa kulturang Buddhist? Kung sa malalim po na espiritwal na aspeto, habang papalapit po ang taglagas (Autumn), ayon sa paniniwala, numinipis ang takip ng material na mundo sa espiritwal mundo kaya’t mas malapit ang espiritu o mga kaluluwa sa ating mga buhay sa mga panahon na ito,” aniya.

Mga bawal gawin sa Hungry Ghost Month

May babala rin si Sen sa mga kababayan natin tungkol sa mga bagay na maaari at di-maaaring gawin sa buong Hungry Ghost Month.

“Sa pagsisimula ng Hungry Ghost Month sa Agosto 16, ang maipapayo natin, hangga’t maari ay huwag magpapakasal sa kahabaan ng buwan na ito. Huwag ding magsisimula ng bagong negosyo, sapagkat ayon sa paniniwala, nagkalat ang mga nagugutom na kauluwa sa panahon na ito at naghahanap ng nga enerhiya na mahihigop nila para sila’y mabusog,” paliwanag ng Feng Shui practitioner.

Bawal din, ayon kay Sen, na lumabas sa gabi pagpatak ng alas-nuwebe, lalo na’t hindi naman importante.

“Mataas din kasi ang tiyansa ng aksidente sa kahaaan ng buwan na ito,” aniya.

Kung maaari, huwag ding magsagawa ng major repairs sa bahay.

“Ipagpaliban n’yo muna ito dahil maaaring may mangyaring hindi inaasahan at para hindi rin maingayan ang mga gumagalang kaluluwa. Sa panahon ding ito, kailangan magingat sapagkat mas mataas ang posibilidad ng pagkakasakit kaya magsuot tayo ng espiritwal na proteksyon sa ating katawan,” aniya.

Kontra Hungry Ghosts

Bagaman medyo may pagka-negatibo ang enerhiya ng Hungry Ghost Month, may mga pamamaraan naman, ayon kay Sen, para makontra ito:

Magsuot ng protection amulets gaya ng Kwan Kung Protection Amulets, Chung Kwei (Zhong Kui) Amulets, Piyao o Fu Dog bracelets sapagkat kilala ito sa kustombreng Tsinoy bilang “Heavenly Protectors and guardians”. Kung wala naman kayong ganito, kahit ang simpleng St. Benedict Medallion ay mabisang proteksiyon na din laban sa mga negatibong enerhiya at espiritu.

Mag-alay ng pagkain at inumin sa labas ng bahay o sa bakuran, kasama ang incense stick para sa mga kaluluwa.

“Ang bango at usok ng insenso ay nagsasalin ng mga alay ninyo sa espiritwal upang mapunta sa kanila. Magpatugtog ng “Om Mani Padme Hum” Mantra na bersyon ni Imee Ooi (maaaring hanapin sa YouTube) sa ating mga bahay upang magkaroon ng positibong enerhiya at maibsan ang pagdurusa ng mga gutom na kaluluwa,” paliwanag ni Sen.

Payo para sa Ghost Month

May maganda namang payo si Sen para sa tagatangkilik ng Pilipinas Today:

“Magkakaiba man po tayo ng paniniwala at kultura, lagi po natin aalalahanin na sa iisang langit lang po tayo, tumitingala, iisang katotohanan na iba-iba po ng mukha. Mahalaga ngayong Ghost month na mapagnilayan natin na ang ating mga maling gawain maaaring may katumbas itong hindi maganda sa kabilang buhay,” ani Sen.

“Habang tayo ay nabubuhay pa, gumawa tayo ng mabuti sa ating kapwa, tumulong, mag charity, at higit sa lahat maging liwanag tayo sa ibang tao. Ang pagiging mabait sa kapwa, at sa mga espiritung hindi natin nakikita ay nakakapag dagdag sa atin ng tinatawag na “Good Karma” na siyang dadalhin nating magandang diploma sa kabilang buhay. Kapayapaan po ang suma-ating lahat,” pagtatapos ni Sen.