Ikinalungkot ni Vice President Sara Duterte ang hindi pagpayag diumano ng International Criminal Court (ICC) na makaboto sa May 12 Philippine elections si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kasalukuyang nakakulong sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands.

Sa panayam sa Pangalawang Pangulo matapos siyang bumoto sa Davao City nitong Lunes, Mayo 12, ipinaliwanag nito kung bakit hindi makaboboto ang kanyang ama.

“Hindi siya puwedeng bumoto kasi hindi naman siya naka-register sa absentee voting. Ang pagkakaintindi ko, sinubukan ng lawyers n’ya na magpaalam sa Comelec na kung pwede bumoto si dating Pangulong Duterte outside of the absentee voting law,” sabi ni VP Sara.

“Kasi ‘yun lang ‘yung paraan na puwede siyang bumoto but hindi siya naka-register doon, so, ang pagkakaintindi ko, wala siya,” dagdag pa niya.

Naniniwala si VP Sara na masama ang loob ng kanyang ama dahil hindi ito makaboboto ngayong National and Local Elections (NLE) 2025 kung saan naghain siya ng kandidatura sa pagkaalkalde ng Davao City.

Si Digong ay kasalukuyang nakakulong sa ICC detention facility sa Scheveningen district, The Hague matapos siyang arestuhin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *