Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Sabado, Mayo 10, na kumpiyansa sila na magiging mapayapa at maayos ang nalalapit na halalan sa Lunes, Mayo 12.
“Napakataas ng ating paniniwala sa mga kababayan nating botante na sila ay boboto at magiging tahimik ang ating eleksiyon,” sabi ni Comelec Chairman George Garcia.
Nanawagan naman si Garcia sa publiko na magtiwala sa proseso ng eleksyon at huwag magpalinlang sa mga pekeng balita.
Pinaalalahanan din ni Garcia ang mga kandidato para sa May 12 midterm elections na alisin na ang kanilang malalaking campaign materials sa mga main roads sa araw ng eleksiyon.
Ayon sa unang inilabas na election calendar ng Comelec, bawal na mangampanya sa Linggo, Mayo 11.
Samantala, magbubukas ang mga polling precinct simula alas-5 ng umaga upang bigyang-priyoridad ang mga senior citizens, persons with disability (PWD), at mga buntis na rehistradong botante upang makaboto nang maaga hanggang alas-7 ng umaga, habang ang regular na oras ng pagboto ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ulat ni Britny Cezar