Nagpatupad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze sa essential commodities sa dalawang bayan sa Oriental Mindoro na kasalukuyang nahaharap sa matindi at matagal na tagtuyot dahil sa El Niño phenomenon.
Sa isang official statement na inilabas ngayong Lunes, Marso 11, sinabi ng DTI na saklaw ng price freeze ang mga munisipalidad ng Bulalacao at Mansalay, na unang isinailalim sa state of calamity dahil sa tagtuyot.
Nagkabisa ang automatic price freeze noong Pebrero 26 sa Bulalacao, at Marso 7 sa Mansalay. Ito ay may bisa ng 60 araw na sumasaklaw sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng de-latang isda, processed milk, kape, laundry detergents, sabon, tinapay, bottled water, at iba pa.
Sinabi ng DTI na maaaring makulong ng hanggang 10 taon o multa mula P5,000 hanggang P1 milyon ang mga lalabag.
“In addition to these legal consequences, the DTI’s provincial monitoring and enforcement teams will intensify their efforts to monitor the pricing and availability of essential goods within the Department’s jurisdiction,” dagdag pa ng DTI.