Pinag-iingat ng awtoridad ang mga residente ng isang barangay sa Calasiao, Pangasinan kasunod ng pagkakadiskubre ng pinagbalatan ng dambuhalan ahas sa kanilang lugar.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calasiao, ang 16- talampakan na balat ng ahas ay natagpuan ng mga residente sa Barangay Bued, sa naturang probisya nitong Miyerkules, Pebrero 28.
Anila, ang ahas ay isang non-venomous reticulated python na may edad na halos 30- taon at may habang 16 hanggang 25 talampakan.
Payo ng MDRRMC sa mga residente, maging maingat at alerto sa lahat ng oras at kung maaari ay itago na muna nila ang kanilang mga alagang hayop.
Ito ay matapos na maiulat na may mga alagang hayop na rin ang nawawala sa barangay.
Nauna rito, isang netizen ang humingi ng tulong sa kinauukulan na tulungan silang makita ang dambuhalang ahas na anila’y posibleng gumagala lamang sa kanilang barangay at naghihintay ng tamang pagkakataon para umatake.
Sa facebook post ni Juvy Ann Flores, sinabi nito na napakalaki ng balat ng ahas na kanilang nakita at subalit pakiwari nila’y kalahati pa lamang ito kaya’t nangangamba sila sa kaligtasan ng mga residente partikular na ang mga bata sa lugar.
Ulat ni Baronesa Reyes